Biyernes, Hulyo 5, 2013

Pahayag ng Celso Minguez Command Hinggil sa Nangyaring Labanan sa Brgy. Calomayon, Juban, Sorsogon noong Hulyo 4, 2013, at ang Matinding Paglabag ng 31st Infantry Battalion sa mga Batas ng Digma

Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command ang di-makataong pagpaslang ng 31st Infantry Battalion sa pamumuno ni Col. Virginson Aquino sa walong (8) kasama sa Brgy. Calomayon, Juban, Sorsogon nitong Hulyo 4, 2013. Isinagawa ng mga berdugo ng 31st IB ang masaker sa mga kasama bandang 5:20 ng umaga. Namartir sina Ka Greg Bañares, tagapagsalita ng NDF-Bicol (Frankie Joe Soriano),  Ka Miloy (Pehing Hipa), Ka Nel (Christine Puche), Ka Gary (Ted Palacio), Ka Rey (David Llunar), Ka Nene (Romero Añonuevo), Ka Jay (William Villanueva, Jr), at Ka Kevin (Ailyn Calma).
Ayon sa pagsisiyasat ng Celso Minguez Command at gayundin sa ibinigay na ulat ng mga taumbaryo, tatlo sa walong kasamang namartir ang nakalayo na sa bahay na pinaglabanan at walang dalang mga armas. Sa kabila nito, walang habas pa ring pinagbabaril ng mga sundalo sina Ka Greg, Ka Nel, at Ka Gary. Hindi pa nakuntento ang mga pasista, lahat ng nalugmok na kasama ay binaril sa mukha – malinaw na paglabag sa internasyunal na mga batas ng digma na nagtitiyak sa kaligtasan ng mga di-armado at mga wala nang kakayahang lumaban. Haharapin ni Col. Aquino at ng kanyang mga tauhan ang patung-patong na kaso ng paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Ito ang tunay ng mukha ng Oplan Bayanihan. Sa likod ng mga pakitang-taong pagpapalamuti, kahayupan ang siyang iniuumang ng estado sa mamamayang lumalaban sa kawalan ng tunay na kalayaan at demokrasya. Walang natatanging paraan para sa mamamayan kundi ang magpursigi sa kanilang pagrerebolusyon upang wakasan ang isang sistemang nagkakait sa kanilang karapatan at kabuhayan, at pumapatay sa sinumang naghihimagsik.
Dapat ding ilantad ang pagnanakaw ng mga upisyal at sundalo ng 31st IB sa mga rekurso ng mamamayan. Hindi iniulat ng 31st IB ang kanilang ibinulsang 300 Libong pisong pera na nasa pangangalaga ng mga kasamang namartir. Itinago din nila ang apat (4) na laptop computer, gayundin ang mga cellphone na ginagamit ng mga kasama sa paggampan nila ng mga rebolusyonaryong gawain.
Pinakamataas na parangal ang iniaalay ng Celso Minguez Command, kaisa ang buong mamamayan ng Sorsogon, sa walong kasamang nagbuwis ng kanilang buhay sa daloy ng kanilang paglilingkod sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Inspirasyon sila sa iba’t ibang uri at sektor ng lipunan na humawak ng armas at maglingkod sa mamamayan sa kanilang pagkamit ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad.

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
Celso Minguez Command

3 komento:

  1. mawalang galang na po, so ibig nyo pong sabihin kaisa nyo ang HR at Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law??

    so papano sila?

    More than 100 police trainees and instructors having their morning jogging Friday in Tadian, Mt. Province were ambushed by suspected communist rebels

    8 elite cops killed, 7 others hurt in NPA ambush in Cagayan- for a medical examination.

    Jan 27, 2013 - 9 killed, 9 wounded in suspected NPA ambush in Negros ... Nine people were killed, mostly civilians, in the early Sunday attack allegedly by the NPA


    so papano sila at ang familya nila na naulila? sino na ang mag tatangol para sa kanila...kung lahat ng kasamahan mo na napatay ng militar ay kakampihan ng sinasabi mong human rights.

    ito lang po nag masasabi ko sa inyo "kung gusto nyo ng pagbabago sa bansa di nyo kailangan humawak ng armas, sumabay kayo sa agos at unti-unti nyong bagohin ang agos na iyan para sa hinahangad nyong pagbabago"

    laging tandaan "ang sakit ng isang katawan ay di sakit ng buong sambayanan.."

    TumugonBurahin
  2. Minsan mahirap ipaliwanag ang mga nangyayari sa ating bansa.... pero sang ayon ako sa adhikain at ipanaglalaban nyo... pagpupugay at pagsaludo para sa mga nagbuwis ng buhay na ang tanging hagad ay malinis na gobyerno.... pero sa kasalukuyan marami pa rin ang sakim sa kapangyarihan... katulad na lamang ng aking magulang na pilit kinukuha ng isang mataas na politiko ng albay ang aming lupain... lupain na pinaghirapan pa ng aking mga ninuno...kaya ako bumalik ng pilipinas...ay para ipaglaban ang aming lupain....

    TumugonBurahin
  3. Sanay dumating ang araw makilala ko kayo ng personal at ng maintindihan ko pa ang mga magagandang adhikain....

    TumugonBurahin