Miyerkules, Hunyo 14, 2017

Sunod-sunod na pamamaslang sa Probinsya ng Sorsogon, panibagong krimen ng Philippine Army


Pahayag sa Media
Hunyo 15, 2017


Sunod-sunod na pamamaslang sa Probinsya ng Sorsogon,
panibagong krimen ng Philippine Army


Mariing kinokondena ng Celso Minguez Command ang kaliwa’t kanan na extra-judicial killings (EJK) at pagyurak sa karapatang-pantao ng mamamayang sibilyan na kagagawan ng mga elemento ng Philippine Army sa probinsya ng Sorsogon nitong Hunyo.

Noong Hunyo 9, 2017, alas-9 ng gabi, niratrat ng ripleng M16 armalayt hanggang mapatay si Vicente Gaton, isang sibilyan at residente ng Brgy. Balocawe, Matnog. Nangyari ang pamamaril sa Brgy. Camcaman, Matnog, sa tapat ng lumang munisipyo ng bayan habang nakaparada doon ang traysikel na kanyang minamaneho. Nakasakay sa isang van at nakasuot ng bonnet ang mga elemento ng 31st IBPA na namaril sa biktima. Matagal nang pinag-initan ng tropang militar ang biktima dahil may mga kapamilya itong kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at ilang ulit ng naging biktima ng pananakot nila.

Noong Hunyo 13, alas-7 ng gabi, animo’y baliw na halimaw ang mga elemento ng paniktik mula sa Military Inteligence Company (MICO 5) ng PA na nakabase sa probinsya, nang mag-killing spree ang mga ito sa tatlong baranggay sa bayan ng Gubat. Magkasunod ang pamamaslang ng tropang kaaway na nakasakay sa ilang motorsiklo at armado ng ripleng M16 armalayt sa dalawang sibilyan. Ang mga biktima na pinagbabaril-patay sa kanilang bahay ay sina Brgy. Kgwd. Pedro Esperida ng Brgy. Bentuco at Alfredo Espedido III ng Brgy. Naagtan. Pagkatapos ng pagpaslang sa dalawang biktima, dumiretso ang mga tropang kaaway sa Brgy. Bulacao para paslangin din sana ang isa pang sibilyang residente doon na matagal na nilang hinaharas dahil “poste” o suportador diumano ng mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan sa lugar ngunit nabigo silang matunton ang pangatlong target nila. Nangyari ang tatlong insidente sa loob lamang ng halos isang oras. Nakilala ng mga sibilyan sa lugar ang isa sa mga salaring militar dahil dati rin itong nanirahan sa Brgy. Bulacao. Ito ay si Pfc. Jordan Enconado, elemento ng MICO 5 na naembwelto na sa iba’t-ibang kaso ng pamamaslang mula pa noong Oplan Bantay Laya 1.

Pinaslang din ng tropang 31st IBPA si Kapitan Bernardo Lerio, 52 taong-gulang, punong baranggay ng Brgy. Patag, Irosin noong Hunyo 14 ng hapon sa kanyang tahanan. Si Lerio ay pinag-initan ng mga militar mula nang maparusahan ng BHB ang dating commanding officer ng Mapaso Detachment ng 22nd IBPA sa Brgy. Patag noong taong 2012.

Ang sunod-sunod na extra-judicial na pamamaslang ng tropang militar ay nagpapatunay sa tunay na katangian ng Oplan Kapayapaan ng Rehimeng Duterte. Pinapakita nito na hanggang pagpapanggap lamang ang paghangad ng kasalukuyang rehimen ng kapayapaan at walang pinagkaiba sa mga naunang rehimen sa pagdami ng mga kaso ng EJK, pananakot, pambubugbog, pambobomba at iba pang anyo ng pagyurak sa karapatang-pantao.

Labanan ang militaristang Oplan Kapayapaan ng Rehimeng Duterte!


Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento