Miyerkules, Agosto 9, 2017

Kabangisan ng tropang militar laban sa mga residente ng Gubat, Sorsogon


Pahayag sa Midya
Agosto 10, 2017


Kabangisan ng tropang militar
 laban sa mga residente ng Gubat, Sorsogon

Animo'y asong nauulol ang mga militar pagkatapos magkamit ng malaking kaswalti sa matagumpay na ambus ng Bagong Hukbong Bayan sa Brgy. Casili, Gubat, Sorsogon noong Agosto 7 ng umaga. Lumabas ang pagkaberdugo nila nang pagbalingan ng galit ang mga inosenteng sibilyan na residente ng iba't ibang interyor na baranggay sa bayan ng Gubat.

Walang pakundangan at sunod-sunod ang paghahasik ng teror at mga paglabag sa karapatang-pantao ng tropang 31st IBPA, 22nd IBPA at mga elemento ng 96th MICO (Military Intellegence and Combat Operatives). Narito ang listahan ng mga panibagong krimen ng mga militar laban sa mamamayang Gubatnon:

1. Agosto 7, alas-9 ng gabi - Walang-awang pinaslang si Eming Estrada, 44 taong gulang, magsasaka at pana-panahong nagmamaneho ng 'habal-habal' bilang hanapbuhay. Residente ito ng Brgy. Casili. Sinadya sa mismong bahay ng biktima ng mga nag-ooperasyong tropang 31st IBPA at 22nd IBPA. Malapit sa ambush site ang bahay ng biktima kaya, tiyak na mga militar ang tanging armadong nasa lugar sa panahong iyon para sa sinasabi nilang ‘hot-pursuit operations’.

2. Agosto 7, alas-5 ng hapon - kinubkob ng mga nag-ooperasyong militar ang bahay ng isang magsasaka na si Salvador Hapa, 60 taong gulang, residente ng Brgy. Sangat.

Muli pa siyang binalikan ng mga unipormadong militar kinaumagahan, Agosto 8, alas-10 ng umaga. Sa takot, umalis na lamang siya sa lugar at iniwan ang kanyang kabuhayan. Dati na siyang tinakot at binantaan ng mga militar noong nakaraang taon dahil pinagbintangan siyang suportador ng NPA.

3. Agosto 8, alas-10 ng gabi - pinagbabaril ng mga elemento ng 96th MICO ang magkapatid na sina Jayson at Jojo Escaño sa kanilang bahay sa Brgy. Union. Batay sa mga nakakitang sibilyan, apat na motorsiklo na may lulan na 8-kataong armado ng mahahabang baril at natatakpan ng panyo ang mukha ang tumapat sa bahay ng mga biktima at pumaulan dito ng bala. Patay si Jayson habang sugatan naman si Jojo na tinamaan sa kanyang braso.

Tanging mga militar ang may motibong patayin ang magkapatid dahil noong nakaraang mga buwan ay kinompronta na sila ng ilang armadong elemento ng 96th MICO na lulan din ng motorsiklo ukol sa kanilang kamag-anak na pinaghihinalaang kasapi ng NPA.

Dati nang gawain ng mga militar at pulis ng reaksyunaryong estado ang mga extra-judicial na pamamaslang ngunit sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, lalong naging tatak (trademark) na nila ito. Hindi na ito nakapagtataka dahil ang mismong pinunong papet na si Duterte ay walang-kahihiyan kung bastusin at kutyain ang pagtatanggol sa karapatang-pantao sa bansa. Matatandaang nagbanta pa si Duterte na tutunawin niya mismo ang tanggapan ng Commision on Human Rights (CHR) para wala nang kailangang isaalang-alang pa at makapagpipigil sa militarista at pasista niyang mga hakbangin, kasapakat ang AFP at PNP.

Tanda ng kaduwagan ng mga militar ang pagbabaling ng galit sa mga di-armadong mamamayan na hindi kalahok at bagkus dapat na iligtas mula sa mga armadong labanan. Dapat kundenahin ang mga gawaing barbarong ito ng tropang militar. Dapat papanagutin si Duterte mismo sa lumalalang paglabag sa karapatang-pantao ng mamamayan.


Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento