Lunes, Agosto 7, 2017

Matagumpay na Ambus ng Bagong Hukbong Bayan sa Gubat, Sorsogon


Pahayag sa Midya
Agosto 8, 2017


Matagumpay na Ambus ng Bagong Hukbong Bayan sa Gubat, Sorsogon


Matagumpay na inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang platun ng magkakumbinang tropa ng 31st IB Phil. Army at 5th Regional Public Safety Batallion - San Ignacio, Gubat (5RPSB-PNP) sa Brgy. Marinas, Gubat, Sorsogon nitong Agosto 7, 2017, 5:25 ng umaga.

Tatlong M4 carbine rifle ang nasamsam ng BHB, kasabay ang tatlong pirasong ammunition pouch, mga bala, apat na military pack, mga cellphone at VHF radio.

Nagtamo ng malaking kaswalti ang tropang kaaway. Apat ang patay at 7 ang sugatan sa kanilang hanay samantalang walang kaswalti sa BHB. Patay sa nasabing ambus ang dalawang opisyal ng 31st IBPA na sina Sgt. Rolyn Cabagon at 2Lt. Lee Ormega Tremedal, ang mismong platun lider nila. Patay din si Pfc. Jaypee Nebiar at isa pa. Samantala, lima sa mga sugatan ay sina Michael Llonar, Jeremy Tu, Roland Sayson, Eduard Lumatog at Mark Oscillada na pawang myembro ng 31st IB Phil. Army.

Kampanteng naglalakad ang 30-kataong tropang kaaway nang tambangan ng mga kasama. Umabot ng 45 minuto ang labanan. Mula Agosto 3 pa naglulunsad ng malawakang combat operation ang aabot sa apat na platun nila sa mga baranggay ng bayan ng Casiguran at Gubat.


Inspirasyon ng mga kasama sa matagumpay na taktikal na opensibang ito ang dakilang buhay ng dalawang rebolusyonaryong martir, kasabay si Ka Magno, na naging bahagi ng matiyagang pagpaplano at pag-aaral ng sitwasyon para maikasa ang nasabing ambus. Sa muli, pinatunayan ng matagumpay na taktikal na opensibang ito ang katapangan at katatagan ng mga kasama sa BHB. Matalinong pinag-aralan ang kilos ng kaaway at nasamantala ng mga kasama ang bulnerabilidad nila. Ang maging sobrang kampante at mayabang ang bulnerabilidad ng kaaway na nasamantala ng mga kasama. 

Muling pinagbalingan ng galit ng mga nauulol na kaaway ang mamamayang sibilyan pagkatapos silang maambus. Pinatay nila si Jaime Estrada nitong Agosto 7, alas-9 ng gabi. Pinasok nila ang bahay ng biktima, binitbit siya palabas at saka binaril. Ang bahay ng biktima ay malapit sa pinangyarihan ng ambus. Si Jaime Estrada ay walang kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan at isang magsasaka sa lugar.  Lalo lamang nalalantad sa mamamayang Sorsoganon ang tunay na mukha ng tropang kaaway bilang mga berdugo at pasista sa bawat sibilyang binibiktima ng kabangisan nila.


Ang matagumpay na taktikal na opensibang ito ng BHB ay hakbang pamamarusa sa tropang 31st IB Phil. Army na anim na taon nang nanghahalimaw sa mamamayang Sorsoganon sa di mabilang na rekord nila ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. 


Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!


Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento