Biyernes, Setyembre 8, 2017

Matagumpay na NPA ambush, lehitimong aksyong militar

Pahayag sa Midya
September 8, 2017



Matagumpay na NPA ambush, lehitimong aksyong militar


Isang buwan na ang nakalipas mula nang mapuruhan ng NPA ang tropang 31st IBPA ng AFP sa matagumpay na ambus sa Casili, Gubat at lalo pang lumalala ang mga desperadong hakbangin ng AFP sa kabila ng kanilang malinaw na pagkatalo.

Ang pinakahuling hakbangin ng AFP laban sa rebolusyonaryong kilusan ay ang pagkriminalisa sa nasabing ambus. Nitong unang linggo ng Setyembre, isinampa ang kasong murder at frustrated murder laban sa walong personaheng pinaghihinalaan nilang mga kasapi ng NPA, kabilang ang ilang sibilyan.

Ang matagumpay na Casili ambush noong Agosto 7 ay isang lehitimong operasyong militar ng NPA at hindi isang krimen laban sa mamamayan. Ang lahat ng taktikal na opensiba ng NPA, sa anumang anyo, ay bahagi ng tungkulin nito bilang rebolusyonaryong armadong hukbo ng Demokratikong Gubyernong Bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan. Ang CPP-NPA-NDF, bilang belligerent state ay may karapatang maglunsad ng mga taktikal na opensiba at hakbang pamamarusa laban sa kalaban nitong estado at mga elementong itinuturing nitong banta sa kanyang nasasakupan. Bilang rebolusyonaryong hukbo, tungkulin ng NPA na samsamin ang armas at supilin ang reaksyunaryong hukbong AFP-PNP hanggang sa ito ay lubusang mapahina at maagaw ang kapangyarihang pampulitika mula sa reaksyunaryong gobyernong pinagsisilbihan ng AFP-PNP.

Ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal laban sa mga personahe na pinaghihinalaan nilang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan ay walang merito. Ito ay bahagi ng opensibang legal ng AFP na kahit napaka-imposible ng mga batayan ng kaso, peke ang mga ebidensya pati na ang mga saksi ay patuloy na ginagawa para siraan ang rebolusyonaryong kilusan at gipitin ang mga tinatarget nilang personahe ng kilusan. Ang pagdawit sa mga sibilyan sa nabanggit na gawa-gawang kaso ay lalunang hindi katanggap-tanggap at malinaw na paglabag sa karapatang-pantao at mga batas sa digmaan.



Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento